NAIS ni Pangulong Rodrigo Duterte na tigilan na ng militar at pulisya ang pagparatang sa mga indibidwal bilang mga komunista o terorista nang walang ebidensya.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, kinampihan ni Pangulong Duterte ang pagpapatahimik ni Defense Secretary Delfin Lorenzana kay Lt. Gen. Antonio Parlade, Jr., ang tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Ito ay makaraang balaan ni Parlade ang mga aktres na sina Liza Soberano at Angel Locsin, at si Miss Universe 2018 Catriona Gray patungkol sa kanilang kaugnayan sa women’s rights group na itinuturong front ng komunistang samahan.
“The President has spoken through Secretary Delfin Lorenzana when he warned both police and military authorities to be very careful in red-tagging,” ani Roque.
“Ang suggestion nga ni Sec. Lorenzana is no need to publicize kung sino ang mga suspected communists –– just do their job without publicity. Manahimik na lang. Kung meron kayong pinaghihinalaan, proceed with your surveillance,” dagdag pa ni Roque.
House Minority kay Parlade: Shut up
KUNG hindi umano mapatutunayan ni Lieutenant General Antonio Parlade, Jr. ang kaugnayan ng mga kongresistang miyembro ng Makabayan bloc sa komunistang grupo, makabubuting manahimik na lamang ito.
Hamon ni House Minority Leader Joseph Stephen Paduano kay Parlade, maghain na lamang ng kaso sa korte kung may hawak na ebidensya laban sa mga progresibong mambabatas.
Sinabi pa ni Paduano na ang mga binibitawang salita ni Parlade ay nakasisira sa halip na nakatutulong sa pagsisikap ng gobyerno na labanan ang insureksyon.
Diin ng Minority Leader, hangga’t walang katibayan si Parlade laban sa Makabayan bloc, makatwiran lamang para sa kanila na depensahan ang mga ito mula sa mga pag-atake.
Binigyang-diin ni Paduano na hindi rin pupuwedeng maging panakot ni Parlade ang pagsasailalim sa surveillance sa anim na kongresista ng Makabayan bloc bukod pa sa dapat ay highly confidential o hindi isinasapubliko ang intelligence gathering.
Naniniwala si Paduano na aaksyon ang buong Kamara sa usapin.