ISA ang iniulat na namatay habang labing-dalawang iba pa ang nawawala sa gitna ng pananalasa ng bagyong Quinta na limang beses na tumama sa lupa.
Batay sa ulat na nakarating sa Philippine National Police, sa Cagayan Valley o Region 2 ang sinasabing namatay sa bagyo. Wala pang pagkakakilanlan sa nasawi.
Gayunman, inihayag ng National Disaster Risk Reduction and Management Council na wala pa silang natatanggap na ulat na may nasawi sa bagyong Quinta.
Kinumpirma naman ng Bicol RDRRMC na mayruong 12 mangingida ang nawawala sa Barangay Pananogan, Bato; Cagdarao, Panganiban, District 3, at Gigmoto sa Catanduanes. Patuloy na ang rescue operations ng Philippine Coast Guard.
Samantala, umaabot sa mahigit 2,800 pamilya ang apektado ng bagyong Quinta sa CALABARZON, MIMAROPA, Bicol, at Cordillera Administration Region. Sa nasabing bilang, 1,493 ang nananatili pa rin sa 68 evacuation centers.
May mga napaulat namang pagbaha sa Laguna, Camarines Sur, Negros Occidental, Samar, at Apayao. Pitong landslide incidents din ang naitala sa Laguna, Aklan, Samar, at Apayao.
Iniulat din ng NDRRMC ang napinsalang Caraycaray Detour Bridge a Naval, Biliran province habang apektado ang may 33 kalsada sa Cagayan, Laguna, Rizal, Camarines Sur, Masbate, Catanduanes, at Apayao.
Samantala, nakataas pa rin ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa Batangas, Occidental Mindoro ikasama ang Lubang Island, Oriental Mindoro, Calamian Islands at dulong Hilagang bahagi ng Antique.
Bahagyang lumakas ang bagyo na kumikilos sa bilis na 25 kilometro kada oras at may hanging hanggang 130 km/h at pagbugsong hanggang 160 km/h.
Huling namataan ang mata ng bagyo sa layong 310 kilometro kada oras sa Kanluran ng Calapan City, Oriental Mindoro.