WALA umanong karapatan ang Philippine Red Cross (PRC) na obligahin ang Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) na magbayad ng sinasabing P1.1 bilyon nito dahil sa COVID-19 testing.
Diin ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, vice chairman ng House Committee on Public Accounts, walang legal na kontrata na pagbabatayan ng sinasabing utang ng gobyerno sa PRC.
“Kung sisingilin natin yung gobyerno doon sa sinasabing P1 billion na utang ng PhilHealth, wala namang kontrata na nagsasabi na ang PhilHealth ay babayaran yung test kits na ginamit ng Red Cross,” ani Barbers.
“Definitely dahil wala siyang kontrata, wala siyang legal basis,” dagdag nito.
Sinabi ni Barbers na ilegal ang memorandum of understanding sa pagitan ng Philhealth at PRC dahil hindi umano awtorisado ang state insurer na maglabas ng advanced payments.
Batay aniya sa sinasabing ilegal na kontrata, mayruong advanced payment na P100 milyon sa PRC para sa COVID-19 tests.
“Even assuming that the board ratified the so-called contract with PRC which says that it should provide test kits, still illegal pa rin yun because walang legal na basehan para i-authorize ang PhilHealth to release such funds, yung sinasabing P100 million na advanced funds,” diin ni Barbers.
Dahil dito, naniniwala ang kongresista na walang utang ang Philhealth sa PRC.
“Assuming na nagamit ang P100 million for payment for the test that was provided by Red Cross to Filipinos, tapos umabot ng P1 bilyon, yung excess wala namang authority yun, wala namang legal basis yun,” dagdag pa ng mambabatas.
“As it seems walang pagkakautang ang gobyerno sa Red Cross,” diin nito.
Hirit pa ni Barbers, dapat tigilan na ng PRC ang pamba-blackmail sa gobyerno sa pamamagitan ng pagpapatigil ng COVID 19 testing dahil sa natatagalan o hindi nakukumpletong pagbabayad ng utang dito.
Ayon kay Barbers, sa gobyerno ay kailangang nasusuri munang mabuti ang claims at ang legalidad ng kasunduan ng PRC sa Philhealth bago ilabas ang pondo.
Kung ititigil anya ng Red Cross ang COVID 19 testing dahil hindi pa makukumpleto ng pamahalaan ang kanilang utang, ang publiko ang magsasakripisyo at hindi gobyerno.
Sinabi ni Barbers na kung pupuwede lang gumamit ng blackmail para magbayad ng utang, nakapagtatakang hindi ito ginawa ng University of the Philippines sa Red Cross na maraming taon na ring hindi nagbabayad sa upa sa kanilang lupain.