SINABI ng National Bureau of Investigation (NBI) na isinaalang-alang din nila ang posibilidad na may mas mataas pang mastermind bukod kay Bureau of Correction (BuCor) chief Gerald Bantag sa pagpatay kay sa broadcast journalist na si Percy Lapid.
Ayon kay NBI supervising agent Atty. Eugene Javier, hindi inaalis ang posibilidad na bukod kay Bantag ay mayroon pang ibang sangkot sa kaso.
Binanggit ni Javier na may natatanggap din silang intelligence reports kaugnay sa umano’y mastermind pero hindi naman nito tinukoy ang mga impormasyon na patuloy pang biniberipika.
“We have to understand that Director General Bantag mismo has the rank of undersecretary. It is only logical na mas mataas pa sa kanya. Then he should be very powerful,” pahayag ni Javier .
Sinabi naman ni Roy Mabasa, ang kapatid ng napaslang na ang mga ebidensya na inilabas ng mga awtoridad sa imbestigasyon laban kay Bantag ay malinaw.
Batay sa naging pahayag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, sinabi rin ni Mabasa na nasa 5 percent ang patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad.
“Hindi namin sana gusto na titigil lang ito diyan kay Bantag. Kung may nalalabing 5 percent, sana’y patuloy pa rin saliksikin ito at malantad kung sino talaga ang mga taong nasa likod niyan,” dagdag pa ni Mabasa.
Nitong Lunes sinabi ni Remulla na ang kaso ay “95 percent closed” ngunit tinatrabaho pa rin nila ang natitirang 5 percent.
Kaugnay pa rin nito, nabanggit din ni Mabasa na natalakay ni Lapid sa kanyang online radio program ang mga mamahaling mansion at sasakyan ni Bantag na tinagurian ng broadcaster na “Cinderella” sa BuCor.
Sa nakalipas na dalawang linggo, sinabi ni Mabasa na may nagpaabot sa kanila na gustong kausapin ni Bantag ang pamilya ni Lapid para linawin ang alegasyon laban sa kanya.
Sinabi rin ni Mabasa na nag-alok si Bantag ng isang ritwal sa libingan ni Lapid.
Kahapon, ang Philippine National Police (PNP) at NBI ay naghain ng reklamong murder laban kay Bantag at iba pang sangkot sa pagpatay Kay Lapid.
Maaalala na pinagbabaril si Lapid noong Oktubre 3 habang papasok sa gate ng kanilang subdivision sa Las Pinas City.