Breaking News

Share this information:

MAAARI na umanong personal na maghain ng reklamo ang mga overseas Filipino Workers (OFWs) na nagkaproblema sa kanilang mga balikbayan boxes, ayon sa Bureau of Customs (BOC) upang mapanagot ang mga kumpanya na nag-abandona sa mga ito.

Kaugnay nito, nakipag-ugnayan na rin ang BOC sa Department of Migrant Workers (DMW) para bigyan ng babala ang mga OFWs hinggil sa palpak na operasyon ng CMG International Movers, Island Kabayan Express Cargo at Win Balikbayan Cargo.

Ayon kay BOC spokesperson Arnold de la Torre Jr., nakipag-ugnayan na rin sila sa Department of Trade and Industry-Fair Trade Enforcement Bureau (DTI-FTEB) para naman mapanagot ang local company na kontak ng mga nabanggit na kumpanya.

Gumagawa na rin aniya sila ng hakbang para maabisuhan ang mga OFWs kung ano ang mga dapat gawin para maipadala ng maayos ang mga balikbayan boxes sa tulong na rin ng DMW.

Pinoproseso na rin ang mga balikbayan boxes para maipadala na agad sa pamilya ng mga OFWs sa tulong na rin ng FR Agbay Enterprises kung saan nasa 3,000 piraso ang kanilang ipapadala.

Pinayuhan naman ni de la Torre ang mga pamilya ng mga OFWs na naghihintay ng kanilang balikbayan boxes na hintayin na lamang sa kanila ang mga kahon na ito bago mag-Pasko.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.