MAHIGIT P.2 milyon na halaga ng shabu ang nasamsam mula sa apat na hinihinalang tulak ng ilegal na droga na nalambat ng mga awtoridad sa magkakahiwalay na buy-bust operation sa lungsod ng Navotas.
Ayon kay Navotas police chief Col. Dexter Ollaging, dakong alas-7:45 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLt. Luis Rufo Jr., ng buy-bust operation sa Tanigue Ext., Brgy. NBBS Dagat-dagatan, na nagresulta sa pagkakaaresto kay Harvey King Ramos, 32 anyos, isang construction worker mula sa Dagat-dagatan, Caloocan City.
Nakumpiska mula kay Ramos ang humigit-kumulang na 10.4 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P70,720 at P300 na buy-bust money.
Nauna rito, natimbog din ng kabilang team ng SDEU sa isang buy-bust operation sa Judge Roldan St., Brgy. San Roque dakong alas- 11:15 ng gabi si Eduardo Felix alyas “Osim,” 38 anyos (Pusher/Listed), ng Brgy. San Roque matapos bentahan ng P500 halaga ng shabu ang isang pulis na nagsilbing poseur-buyer.
Nakuha sa kanya ang tinatayang nasa 13 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P88,400 at marked money.
Bandang alas-7:30 ng gabi nang madakma naman ng isa pang team ng SDEU sa buy-bust operation sa Langaray St., Brgy. NBBS Dagat-Dagatan si John Claudy Labongray alyas “Daboy,” 20 anyos, at Thelma Israel, 52 anyos, kapwa taga Tondo, Maynila. Nasamsam sa kanila ang nasa 10.2 gramo ng hinihinalang shabu na nasa P69,360 ang halaga saka P300 marked money.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.