Claimant, timbog sa Bureau of Customs dahil sa P925,000 halaga ng kush, liquid marijuana

KALABOSO ang isang 25-anyos na claimant ng tinatayang aabot sa P925,000 halaga ng high-grade marijuana o “Kush” at liquid marijuana na nasa 45 pirasong vape cartridge sa Paranaque City.

Sa ulat ng Bureau of Customs (BOC)-Port of Clark, katuwang nito ang mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nang masamsam ang 588 gramo ng ilegal na droga na natuklasan sa isang kargamento na may markang “sweater gifts” na dumating noong Oktubre 28 mula sa Culver City, California, USA.

 Sumailalim ang kargamento sa physical examination matapos ang x-ray examination kung sàan nagpakita ng kahina-hinalang bagay na kalaunan ay  natuklasang mga high-grade at liquid marijuana.

Kinumpirma naman ito ng PDEA kaya agad na nag-isyu ng Warrant of Seizure and Detention si District Collector Alexandra Lumontad para sa paglabag sa Sections 118 (g), 119 (d), at 1113 par. f, i & l (3 & 4) ng Republic Act No. 10863 na may kaugnayan sa  Section 4 ng Republic Act No. 9165.

Nagsagawa ng isang controlled delivery operation ang Customs Anti-illegal Drugs Task Force, Enforcement Group, Intelligence Group, at PDEA noong Nobyembre 4 sa Paranaque City na humantong sa pagkakaaresto sa isang 25-anyos na lalaki na claimant ng nasabing droga at nakatira sa Don Bosco, Paranaque City.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.