Pinangunahan ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang pagdiriwang ng ika-120 taong founding anniversary ng Manila Police District (MPD) sa MPD headquarters sa U.N. Avenue, Maynila.
Bilang bahagi ng pagdiriwang, nagkaroon ng “wreath-laying” ceremony kung saan nag-alay ng bulaklak sa “heroes wall” ng mga napaslang na mga miyembro ng MPD dahil sa pagtupad nila sa kanilang mga tungkulin.
Sa maikling programa na may temang “‘Sang Siglo’t Dalawang Dekada ng Maipagkakapuri, Pamamarisan at Dangal ng Paglilingkod sa Kamaynilaan na Pinatatag ng Pandemya at Pagsubok,” naging highlight ang pagbibigay ng award o pagkilala sa pangunguna pa rin ni Mayor Isko kasama ni Manila Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan sa mga karapat-dapat o deserving na mga MPD personnel at stakeholders lalo na sa panahon ng pandemya.
Sa kanyang talumpati, sinabi ng alkalde na sa kanyang isang taon at anim na buwang panunungkulan, ipinagmamalaki nito ang mga kapulisan ng Maynila sa pamumuno ni MPD Director P/Brig. General Leo Francisco dahil sa pagpapatupad mg kaayusan at katahimikan sa Maynila.
Muli rin itong nagbabala sa mga kriminal dahil ang mga kapulisan aniya ng MPD ay hindi napapagod na gampanan ang kanilang tungkulin na naayon na rin sa kanyang mga direktiba.
Ayon kay Domagoso, ang pagbabago ay ang pagtanggap ng katotohanan.
Pinuri din ni Domagoso ang mga kapulisan ng MPD dahil sa tiyaga at high tolerance nila sa mga tolongges at mga kawatan na kanilang naaresto.
Aniya, malaking bagay ang pagpapatupad ng mga alituntunin na ibinibigay ng mga kapulisan lalo na ngayong panahon ng pandemic.
Nagpasalamat naman si General Francisco sa lokal na pamahalaan dahil sa 100 porsyentong suporta nito sa kapulisyahan ng MPD kapalit naman ng maayos nilang pagseserbisyo sa lungsod.
Ayon kay General Francisco, sa kanyang panunungkulan bilang director ng MPD, lalo pa nitong pinaigting ang mga ordinansa sa Maynila na mahigpit ding binabantayan gayundin ang health protocol upang maiwasan ang banta at pagkalat ng COVID-19.

