INIULAT ng Department of Health (DOH) nitong Martes na naitala na sa bansa ang mga unang kaso ng Omicron subvariant na BA.2.75.
Sa isang press briefing, sinabi ni DOH Officer-in-Charge Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ang unang dalawang kaso ng BA.2.75 subvariant ay parehong mula sa Western Visayas at kapwa na nakarekober mula sa virus.
Samantala, nakapagtala din ang bansa ng 1,015 karagdagang mga kaso ng BA.5 na natukoy sa lahat ng rehiyon maliban sa Zamboanga Peninsula at Northern Mindanao.
Tatlong returning overseas Filipinos ay na-test din na nagpositibo sa BA.5.
Sa mga bagong kaso ng BA.5, 883 na ang naka-recover, 84 ang sumasailalim pa rin sa isolation, habang ang status ng 48 iba pa ay bineberipika pa rin, sabi ng DOH.
Nasa 26 na bagong kaso ng BA.4 din ang natukoy, dagdag pa ng DOH.
Sa bilang na ito, anim ang mula sa National Capital Region (NCR), apat mula sa Visayas, tig-dalawa sa Central Luzon, Calabarzon, Bicol Region, Davao Region, Soccsksargen, at Cordillera Administrative Region (CAR), at isa sa Ilocos Region.
Sa karagdagang mga pasyente ng BA.4, 21 na ang naka-recover, dalawa naman ang naka-isolate pa, habang ang resulta ng tatlo pa ay patuloy pang bineberipika.
Ayon pa kay Vergeire, nakapagtala rin ang bansa ng 18 bagong kaso ng BA.2.12.1.
Limang indibidwal ang mula sa NCR, tig-tatlo mula sa Ilocos Region at CAR; tig-dalawa mula sa Western Visayas, Central Visayas, at Calabarzon; at isa mula sa Cagayan Valley.
Sa mga bagong na-detect na kaso ng BA.2.12.1, 13 na ang naka-recover ngayon, apat ang naka-isolate pa, habang inaalam pa ang status ng isa pang pasyente.
Sinabi ng DOH na ang pagkakalantad at kasaysayan ng paglalakbay ng mga bagong natukoy na kaso ng mga subvariant ng Omicron, kabilang ang mga unang kaso ng BA.2.75, ay biniberipika pa rin.