NASA kabuuang 82,597 na mga kaso ng dengue ang naitala na sa bansa mula noong simula ng taon hanggang Hulyo 16, ayon sa Department of Health (DOH).
Ang mga kaso ngayong taon ay mas mataas ng 106 percent kumpara sa mga naiulat na kaso sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Sinabi ni DOH officer–in-charge Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa press briefing na karamihan sa mga kaso ng dengue ay mula sa Central Luzon na may 13,499, Central Visayas na may 8,905 at 6,884 sa National Capital Region (NCR).
Sa 82,597 na kaso ng dengue, sinabi ni Vergeire na 20,261 ang naitala mula Hunyo 19 hanggang Hulyo 16. Ang kamakailang natukoy na kaso ay naitala mula sa Centraal Luzon na may 4,629, Cagayan Valley na may 2,151 at NCR na nasa 1,985.
Dagdag pa ng DOH, 10 mula sa 17 rehiyon ang lumagpas na sa epidemic threshold mula Hunyo 19 hanggang Hulyo 16 sa Cagayan Valley Mimaropa, at Cordillera Administrative Region na nagpapakita ng patuloy na pagtaas ng trend.
Idinagdag ni Vergeire na 319 na ang mga naiulat na namatay na may kaugnayan sa dengue sa buong bansa.
Sa isang pahayag, sinabi ng DOH na ang mga ospital at klinika ay may mga fast lanes para sa mga pasyenteng may dengue sa kanilang emergency areas.

