Pemberton, lalaya na

Share this information:

INIUTOS na ng hukuman sa Olongapo City ang maaagang pagpapalaya sa Amerikanong sundalo na si Private First Class Joseph Scott Pemberton na hinatulan sa kasong pagpatay kay Jennifer Laude nuong 2014.

Sa Order na may petsang Setyembre 1, ipinahayag ni Judge Roline Ginez-Abalde na maaari nang makalaya si Pemberto dahil napagsilbihan na nito ang 10-taong maximum penalty.

Bagamat limang taon pa lamang ang naisisilbi nito sa anim hanggang 10 taong hatol na pagkakakulong, pinalaya si Pemberto dahil sa nakuha nitong good conduct time allowances (GCTA) habang nakapiit.

Ayon sa korte, sa 2,142 araw na nakapiit si Pemberton, nakalikom siya ng 1,548 GCTAs. Kapag ipinagsama, aabot ito sa 3,690 araw o katumbas ng 10 taon, isang buwan at 10 araw.

Tinukoy din ng korte ang nabayaran nang buo na milyung-milyong pisong halaga ng danyos sa pamilya ni Laude.

Umapela naman ang pamilya Laude para bawiin ang release order kay Pemberton. Giit nila, walang katibayan na nagpakita na ng magandang asal o pag-uugali si Pemberton habang nakapiit sa Kampo Aguinaldo.

“His conduct was never put to test as he never joined other convicts. Had he served his sentence in National Bilibid, maybe his application for good conduct would have some basis,” ayon sa motion for reconsideration ng pamilya Laude.

Nuong Oktubre 11, 2014 nang matagpuang patay sa palikuran ng Celzone Lodge room sa Olongapo City ang 26-taong gulang na transgender woman na si Laude. Naibaba ang conviction kay Pemberton nuong 2015 na kinatigan ng Court of Appeals.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.