Nagbiro na may bomba sa loob ng Quiapo Church, inaresto

BAHAGYANG naalarma ang ilang deboto ng Itim na Poong Nazareno makaraang magbiro ang isang lalaki na may “bomba” sa loob ng simbahan habang isinasagawa ang pangalawang misa sa Quiapo Church Biyernes ng umaga.

Kasong paglabag sa PD 1727 (Declaring as unlawful the malicious dissemination of false information of the willful making of any threat concerning Bombs, Explosives or any similar device or means of destruction) ang kinakaharap ng suspek na si Dennis Garcia y Espejo, 42 anyos, ng 32 Salazar St., Brgy. Talipapa, Quezon City.

Sa ulat, nagsasagawa ng pangalawang misa sa loob ng simbahan ng Quiapo nang magbiro ang suspek na mayroong bomba sa loob dakong alas-5:30 kahapon ng umaga.

Ang pagbibiro ng suspek ay nasaksihan ng guwardiyang si Michael Tamayo, 33 anyos, na nagresulta sa kanyang pagkakaaresto.

Sa ilalim ng PD 1727, ipinagbabawal ang pagbibigay ng maling impormasyon kabilang dito ang pagbibiro hinggil sa bomba o anumang paputok at may kaparusahan na limang taon o danyos na hindi hihigit sa P40,000.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.