Nasakote ang nasa 14 na indibidwal kabilang ang isang kasalukuyang konsehal ng bayan, isang kapitan ng barangay, at isang dating bise-alkalde matapos dakpin ang mga ito ng pulisya sa isinagawang pagsalakay sa isang tupadahan sa Alitagtag, Batangas.
Sa report ni Alitagtag Police Public Information Officer Capt. Hazel Suarez, nakilala ang mga pasimuno sa tupada na sina Jerome Garcia, city councilor, Kapitan Antonio Chavez ng Barangay East at dating vice mayor na si Manuel Gutierrez.
Nakumpiska ng mga awtoridad ang nasa 12 panabong na manok. 36 piraso ng tari at P29, 560 halaga ng cash bilang pamusta.
Ayon kay Batangas Provincial Police Office (BPPO) Director Col. Rex Malimban, patuloy ang kanilang paalala na sumunod sa ipinatutupad na batas, manatili sa bahay at huwag maging pasaway lalo na ngayong panahon ng pandemya na patuloy na kinakaharap ng bansa.
Patong-patong ang kasong kakaharapin ng mga suspek na lumabag sa PD 1602 o illegal cockfighting, Republic Act 11469 o ang Bayanihan To Heal as One Act at RA 11332 o Mandatory Reporting o Notifiable Diseases and Health Event of Public Health concern.