2 timbog sa pamemeke ng COVID-19 test results sa Rizal

Dalawang lalaki na sangkot sa paggawa ng huwad na COVID-19 results ang nadakip ng pulisya sa isinagawang entrapment operation sa bayan ng Antipolo, lalawigan ng Rizal.

Nakilala ang mga suspek na sina Arnel Ignacio, aka “Arnel”, residente ng San Francisco Village, Barangay Muzon, Taytay at si Edgardo Juanillo, aka “Ed”, naninirahan sa Barangay Pinugay, sa Baras, at kapwa mga miyembro ng Rizal Provincial Security Division (PSD) ng provincial government.

Nabatid sa report na nakarating kay Police Regional Office 4-A (Calabarzon) Director Brig. General Vicente Danao, naipaabot sa tanggapan ni Governor Nini Ynares ang modus nina Ignacio at Juanillo sa umanoy lantarang paggawa ng mga pekeng COVID-19 results partikular ang RT-PCR tests at Swab tests results kung kayat agad na ipina aresto ang mga ito sa pamamagitan ng entrapment operations.

Nakumpiska mula sa posesyon ng dalawa ang mark money na nagkakahalaga ng P3,400.00; mga pekeng resulta ng COVID-19 Test at isang motorsiklo.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Antipolo City Police station ang mga suspek habang hinihintay ang inquest proceedings sa piskalya sa mga kasong Robbery Extortion, Falsification of Documents at paglabag sa Bayanihan To Heal as One Act.

Samantala, nabatid na may tatlo pa umanong mga kawani ng PSD na nakatalaga sa pasilidad ng Rizal Provincial Capitol ang itinuturong sangkot sa modus kung saan naniningil umano ang mga ito sa kanilang biktima na P1,700 pataas kada papel ng test certificate.

Nanawagan muli ang gobernador sa kanyang mga kababayan na libre at walang bayad ang RT-PCR o Swab test na matatagpuan sa Events Center malapit sa kapitolyo.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.