KUNG hindi pa kakalusan sa nakatakdang congress hearing ay hindi paaawat ang power company na Olongapo Electricity Distributiom Co. (OEDC) at iba pang electric cooperative sa Zambales ang sobrang paniningil sa kuryente.
Dahil nakatakdang ipatupad ang Php2.00 hanggang Php4.00 per kilowatt-hour (kwh) na bawas singil sa electric bill para sa ng mga konsumer sa lalawigang Zambales at Olongapo city matapos makipagpulong ang mga opisyales ng mga electric cooperative, pribadong power distributor at ng isang power producer kay Zambales 1st District Rep. Jefferson Khonghun.
Ayon kay Khonghun, matapos aniya ang pagpupulong ay pumayag ang Zambales Electric Cooperative (Zameco- I); Zambales Electric Cooperative (Zameco-II) at ang Olongapo Electricity Distribution Co. (OEDC) na na magbaba ng kani-kanilang singil sa kuryente na ipinapataw sa kanilang mga konsyumer.
Sa naturang miting ay Php2.00 per kilowatt –hour (kwh) rate ang minimum ang kayang ibababa ng Zameco I samantalang aabot naman sa Php 4.00/kwh ang ibababa umano ng Zameco II.
Sakop sa Zameco I ang mga bayan ng Botolan, Iba, Palauig, Masinloc, Candelaria at Sta. Cruz habang saklaw naman ng Zameco II ang mga munisipalidad ng Subic, Castillejos, San Marcelino, San Antonio, San Narciso, San Felipe at Cabangan ng lalawigang Zambales.
Sa lungsod naman ng Olongapo na sineserbisyuhan ng Olongapo Electricity Distribution Co. (OEDC) ay magbababa ng Php2.00/kwh ang naturang kumpanya para sa mga konsumer.
Sinabi pa ni Khonghun na napagka-isahan umano sa pagpupulong na ang naturang roll-back sa singil sa konsumo ay inaasahan na magiging pangmatagalan ayon sa napagkasunduan.
“ Ito ay long term basis kahit umakyat ang (presyo) coal, stop na yan”, pagdidiin ng kongresista.
Idinagdag pa ng mambabatas na kahit may naganap nang miting sa pagitan ng dalawang electric cooperatives, ng private distributor at power producer ay tuloy pa rin ang nakatakdang pagpapatawag sa mga ito na pagdinig sa Kongreso.
Nabatid pa kay Khonghun na ang mga nagsidalo sa nasabing pulong nitong Sabado ay sina General Manager Engr. Rene Divino, at President Isagani Yap ng Zameco I; President Reynaldo De Jesus at General Manager Romwil De Jesus ng Zameco ll ; President Jose Maria Abaya ng OEDC at General Manager Ellen Go ng San Miguel Energy Corporation (SMEC).