Face-to-face classes sa dalawang paaralan sa Maynila, nagsimula na

Share this information:

UMAARANGKADA na ang pilot implementation ng limited face-to-face classes sa lungsod ng Maynila.

Mismong si Vice Mayor Honey Lacuna ang nag-ikot para mag-inspeksyon sa unang araw ng face-to-face classes sa dalawang paaralan sa lungsod.

Unang binisita ni Lacuna ang Aurora Quezon Elementary School sa Malate, Maynila, at pagkatapos ay isinunod naman ng bise-alkalde ang Ramon Avanceña High School sa Quiapo.

Mayroong 60 estudyante lamang mula Kinder hanggang Grade 5 sa Aurora Elementary School habang 15 senior high school na mga estudyante ang lumahok sa face-to-face classes sa Ramon Avancena High School.

Ayon kay Lacuna, napakahalaga ng face-to-face classes dahil iba ito sa ginagawang pagtuturo gamit ang “blended” o “modular learning.”

Sa face-to-face classes, sinabi ni Lacuna na mas mayroong interaksyon na nangyayari sa pagitan ng mga bata at mga guro na nawala ngayong pandemya.

“Kailangan na talagang looking forward sila na makabalik sa kanilang mga schools,”  ayon pa sa bise alkalde.

Tiniyak naman ng Division of City Schools head na si Dr. Magdalena Lim na tuloy-tuloy ang kanilang pagsu-supervise sa mga paaralan upang maprotektahan ang mga bata sa loob ng paaralan.

Mahigpit din na ipapatupad ang health protocols para siguradong protektado ang mga estudyante sa face-to-face classes.

(PHOTO CREDIT: Manila PIO Facebook page)

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.