IBINIDA ng pamahalaang lungsod ng Maynila na bumaba ang mga insidente ng krimen dito, partikular ang murder at homicide.
Binigyang-diin din ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan na ligtas at tahimik nang manirahan, magtrabaho at mag-aral sa lungsod matapos ipahayag na bumaba ng 44 porsiyento ang mga kaso ng murder at homicide.
Sinabi nito na base sa ulat ng Manila Police District, nakapagtala lamang ng anim na kasong murder habang dalawang kaso naman ng homicide mula Enero 2025 hanggang Pebrero 2025 kumpara sa 18 kaso na naitala noong mga kaparehong buwan ng nagdaang taon.
Bumaba rin ang kaso ng theft mula 69 sa Enero at Pebrero noong nakaraang taon na naging 58 na lamang na kaso ngayong unang dalawang buwan ng 2025, samantalang 29 na kaso naman ng robbery ang naitala kumpara sa dating 31 na kaso.
Giit ng alkalde, tunay itong datos mula sa hanay ng Philippine National Police sa Maynila at hindi propaganda.
Sa kabila ng magandang resulta na ito, pinayuhan pa din ni Lacuna-Pangan ang publiko na huwag pa ring maging kampante at magkaroon pa rin ng pag-iingat sa sarili dahil hindi alam kung kailan aatake ang mga kriminal.

