PCG, nagsagawa ng flag-raising ceremony sa barko nito sa WPS

ISANG flag-raising ceremony ang isinagawa ng mga crew na sakay ng barko ng Philippine Coast Guard (PCG), ang 97-meter BRP Teresa Magbanua, sa Escoda (Sabina) Shoal bilang parangal at pagdiriwang ng Philippine Independence Day.

Ayon kay PCG spokesperson Rear Admiral Armand Balilo, may mga barko din ng Tsina na nakasubaybay  sa paligid ng shoal na 75 nautical miles mula sa baybayin ng mainland Palawan.

Bilang pagpapakita ng “pagmamalaki “at “paglaban,” inawit ng mga tauhan ng PCG ang national anthem “Lupang Hinirang.”

Pagmamalaki, para sa pagiging bahagi ng simbolikong aktibidad sa West Philippine Sea, at paglaban sa mga pwersang nagkukubli sa paligid.

Ayon sa PCG, mayroong walong Chinese vessel sa labas at apat pa ang naispatan sa loob ng shoal habang isinasagawa ang flag-raising activity.

Sinabi rin ng PCG na hindi dapat naroon sa shoal ang mga barko ng Tsina dahil ang Escoda Shoal ay nasa 200-nautical mile exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas. Ang presenysa ng mga barko ng Tsina ay itinuturing na panghihimasok.

Mananatili naman sa kanilang mga pangako ang mga Filipino coast guardians na bantayan at ipagtanggol ang Escoda Shoal mula sa panghihimasok ng Tsina anuman ang mangyari at gaano man katagal.

Hinimok naman ni Commodore Jay Tarriela, PCG spokesperson for West Philippine Sea, ang mga Pilipino na ihayag ang kanilang pasasalamat sa mga matatapang na tauhan ng PCG at Armed Forces of the Philippines na hindi napapagod para protektahan ang ating territorial integrity, at naninindigan para sa susunod na henerasyon ng mga Pilipino na ipagpatuloy ang laban para sa West Philippine Sea.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.