SA kabila ng maigting na operasyon ng mga awtoridad laban sa mga ilegal na POGO (Philippine Offshore Gaming Operator) sa bansa, lumobo pa rin ang bilang ng mga ito, ayon sa Presidential Anti Organized Crime Commission o PAOCC sa Kapihan sa Manila Bay forum nitong Miyerkules.
Kasabay ng kumpirmasyon ni PAOCC Director Gilbert Cruz, sinabi nito na maraming bilang ng mga ilegal na POGO sa bansa ang nasa National Capital Region (NCR), batay na rin ito sa mga ginagawang pagsalakay sa mga POGO hub.
Ayon pa kay Cruz, may namomonitor din silang mga nag-o-operate na ilegal na POGO sa Visayas at Mindanao na hindi nagre-renew ng kanilang lisensya.
Sa mga POGO sa bansa, sinabi ni Cruz na 49 lamang ang lisensyado at lehitimong nakapag-o-operate.
Binanggit dinni Cruz na ang hindi pagre-renew ng lisensya ng mga kumpanya ang isa sa nakikita nilang dahilan sa pagdami ng mga ilegal na POGO.
Kumbinsido si Cruz na batid ng mga POGO na hindi na sila bibigyan ng lisensiya dahil sa mga paglabag at ilegal na gawain gaya ng scam at pagpapahirap at pananakit o “torture.”
Apela naman ni Cruz sa gobyerno na repasuhin ang mga regulasyon para higpitan pa ang paglalabas ng lisensiya sa mga POGO at mga dayuhang kawani.

