Planong pagkakaroon ng direct flight mula Brunei hanggang Clark, pinag-aaralan ng DOT

PINAG-AARALANG mabuti ngayon ng Department of Tourism (DOT) ang potensiyal pagdating sa pagpapataas ng lebel ng turismo sa bansa kung magkakaroon ng mga direct flight mula sa Bandar Seri Begawan, ang kapitolyo ng bansang Brunei, papuntang Cebu at Clark.

Ito ay makaraang magkasundo ang Pilipinas at Brunei Darussalam upang mas lalo pang mapahusay ang turismo sa dalawang bansa sa pamamagitan ng mutual cooperation.

Ang paglagda ng kasunduang ito ang isa sa mga tampok na aktibidad ng pagbisita kamakailan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.  sa Brunei Darussalam, na itinuturing na isang mahalagang mahalagang milestone pagdating sa pagpapatibay ng mas malapit na ugnayan sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa pagitan ng dalawang bansa.

Ang landmark agreement na naglalayong palakasin at isulong na mapaunlad ang kooperasyon sa pamamagitan ng turismo sa pagitan ng dalawang bansa ay nilagdaan ni DOT Secretary Cristina Garcia Frasco na siyang kinatawan ng Pilipinas at ni Brunei Darussalam Minister of Primary Resources and Tourism Dato Seri Setia Dr Haji Abdul Manaf bin Haji Metussin.

Ang pirmahan ay sinaksihan naman ni Pangulong Marcos at His Majesty Sultan Haji Hassanal Bolkiah.

Layunin din ng kasunduan ang pagpapataas ng tourist arrivals sa parehong bansa mula sa world-tourist-generating markets at paghikayat sa mga bisita na magtungo sa iba’t-ibang tourist destinations at atraksyon sa bawat bansa.

Nagpahayag naman ng malaking kumpiyansa si Frasco tungkol sa prospect ng nasabing kasunduan.

Noong 2023, nakapagtala ang DOT ng 6,639 visitor arrivals mula Brunei Darussalam na karamihan sa kanila ay bumisita sa Pilipinas para sa leisure travel o bakasyon.

Kung maaalala, ang huling tourism cooperation agreement sa pagitan ng Pilipinas at Brunei Darussalam ay nilagdaan 13 taon na ang nakakalipas.

Binalangkas sa kasunduan ang ilang lugar kung saan magtutulungan ang Pilipinas at Brunei at kung ano ang ipapasailalim sa kani-kanilang mga batas, tuntunin, regulasyon at pambansang patakaran.

Sa kasalukuyan, tatlong airlines ang may direct flight mula Bandar Seri Begawan, Brunei Darussalam patungong Maynila at pabalik, tulad ng Philippine Airlines, Cebu Pacific at Royal Brunei Airlines.

Noong nakaraang taon, tinanggap ng Pilipinas ang “emerging Muslim-friendly Destination of the Year for Non-OIC (Organization of Islamic Countries) award” sa Halal Travel Global Summit 2023.

Samantala, nakuha rin ng Pilipinas ang ika-pitong puwesto mula sa Top 20 Non-OIC destinations kasama ang Germany at South Africa, at number 36 overall mula sa 138 na mga destinasyon sa Global Muslim Tavel Index (GMTI). 

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.