MPD Director, nagsumite na ng “courtesy resignation”

NAGSUMITE na ng kanyang “courtesy resignation” si Manila Police District (MPD) Director P/Brig. General Andre Dizon.

Ipinakita mismo ni Dizon sa harap ng kanyang mga tauhan ang kanyang courtesy resignation na naging emosyonal pa habang ito ay inaanunsiyo.

Ayon sa heneral, ipinadala na rin niya ang kopya ng kanyang resignation sa tanggapan ng Philippine National Police (PNP) at National Capital Region Police Office (NCRPO).

Ito ay bilang pagkasa sa hamon ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos na magsumite ng courtesy resignation ang mga full-fledged Colonel at Generals sa layong matanggal ang mga opisyal na sabit sa sindikato ng ilegal na droga.

Nauna nang sinabi ni Dizon na suportado niya ang hangarin ni Abalos na malinis ang hanay ng  pambansang pulisya mula sa pagkakasangkot sa ilegal na droga.

Sinabi nito na 30 taon na siya sa tungkulin pero ginawa niya ang courtesy resignation para mapatunayan na malinis ang kanyang konsenya at malinis ang hanay ng MPD.

Tulad ng sinabi ng PNP Chief at DILG, tuloy pa rin ang trabaho ni Dizon habang hindi naaaprubahan ang kanilang courtesy resignation.

Sa ngayon abala ang heneral sa pagdiriwang ng Pista ng Itim na Nazareno ngayong Enero 9.

Panawagan naman niya sa iba ay gayahin ito, pero boluntaryo at walang sapilitan.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.