GUILTY sa mga kasong Grave Misconduct, Abuse of Authority at Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service.
Ito ang naging hatol ng Sangguniang Bayan ng Hermosa laban kay Punong Barangay ng Barangay Sumalo na si Rolando “Rolly” Martinez kaugnay sa naging mga reklamo ng KABISIGKA Sumalo, isang grupo ng kababaihan sa nabanggit na barangay kaugnay ng anila’y paniningil ng butaw ni Martinez kapalit ng pagiging beneficiary anila sa Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) coverage sa isang disputed land dito.
Si Martinez ay sinuspinde ng 90 araw ng walang bayad para sa kasong grave misconduct, 90 araw ng walang bayad para sa abuse of authority at 90 araw ng walang bayad para sa conduct prejudicial to the best interest of service.
Naihain nitong Martes, Enero 3, 2023 ng hapon ang suspension order na pirmado ni Hermosa Mayor Jopet Inton base sa naging rekomendasyon ng mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng Hermosa.
Wala si Martinez nang ihain ang suspension order at tanging barangay treasurer ang humarap sa mga tauhan ng pamahalaang bayan.
Bukod sa mga kasong administratibo ay inireklamo at sinampahan din ng kasong kriminal (Syndicated Estafa) si Martinez at walong iba pa, bukod pa sa iba pang mga kaso sa Ombudsman na isinampa laban sa kanya.