ARESTADO ang dalawang lalaki matapos mabilhan ng mga pekeng gamot tulad ng paracetamol sa ikinasang entrapment operation ng mga tauhan ng District Special Operation Unit ng Northern Police District (DSOU-NPD) sa Quezon City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni NPD Director PBGen. Jose Santiago Hidalgo Jr. ang mga naaresto na sina Jessieco Ibarola, 47 anyos, sales agent ng No. 30 BF Road Barangay Holy Spirit, at Francisco Ramal Jr., 45 anyos, ng 93 Mindanao St., Phase 4 Lupang Pangako, Payatas, kapwa ng Quezon City.
Ayon kay NPD Director Hidalgo, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa umano’y malawakang pagbebenta ng iba’t-ibang klase ng gamot ng isang sales agent gamit ang social media kaya’t nakipagtransaksyon ang DSOU sa suspek.
Dakong alas-9 ng gabi nang isagawa ng mga operatiba ng DSOU-NPD sa pangunguna ni PLt. Col. Jay Dimaandal, kasama ang 4th MFC, RMFB, Holy Spirit Police Station 14 at Food and Drug Administration Regulatory Enforcement Unit (FDA-REU) ang entrapment buy-bust operation sa kahabaan ng BF Road Barangay Holy Spirit, Quezon City na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.
Narekober ng mga pulis ang pitong kahon ng paracetamol Neozep forte, 25 kahon ng Alaxan FR, 12 kahon ng Solmux, limang kahon ng amoxicilin ambimox, 55 kahon ng Bioflu, limang kahon ng Myra E, tatlong kahon ng Tuseran, siyam na kahon ng Medicol, walong kahon ng Mefenamic Acid Myrene, tatlong kahon ng mefenamic acid Mecid, dalawamg kahon ng amoxicilin trihydrate, tatlong kahon ng Amlodipine Besilate Amlothix, dalawang kahon ng mefenamic acid Dolfenal, isang kahon ng amoxicillin sapphire, isang kahon ng Losartan, isang kahon ng Loperamide, isang kahon ng Lagunzinc, 40 kahon ng paracetamol Biogesic, 125 kahon ng Bioflu paracetamol at 10 kahon ng Flanax Forte 550 mg tablet na sinasabing mga pekeng gamot at tinatayang aabot sa P109,000 ang halaga at apat na pirasong P500 bills bilang buy-bust money.
Nabatid na sumailalim rin sa pagsusuri ng FDA ang klase ng mga gamot na ibinibenta ng suspek kung saan napatunayang peke ang mga produkto nito.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Sec. 4 RA 8203 (Special law on Counterfeit Drugs) habang inaalam pa ang mga posibleng kasabwat ng mga nadakip at ang pinanggalingan ng mga gamot na base sa inisyal na ulat ay galing sa ibang bansa.

