Tatlong bebot, nalambat sa P1.1 milyon halaga ng shabu sa Navotas

BAGSAK sa kulungan ang tatlong dalaga na umano’y sangkot sa ilegal na droga matapos makuhanan ng mahigit P1.1 milyon halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Navotas City kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Navotas police chief Col. Dexter Ollaging ang mga naarestong suspek na sina Kyla Marie Legaspi, 22 anyos, (Pusher/Not Listed), Kristal Shaine Legaspi, 19 anyos, (Pusher/Not Listed) at Marizza Adalla alyas “Mutya,” 29 anyos, (User/Not Listed), pawang mga residente ng lungsod.

Ayon kay Col. Ollaging, dakong alas-3:50 ng umaga nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLt. Luis Rufo Jr. ng buy-bust operation sa Leaño St., Brgy., Bangkulasi kung saan isang undercover police ang nagawang makipagtransaksyon sa mga suspek ng P6,000 halaga ng droga.

Matapos matanggap ang pre-arranged signal mula sa poseur-buyer na hudyat na nakabili na siya ng droga ay agad lumapit ang back-up na operatiba saka nila inaresto ang mga suspek.

Nakumpiska ng mga operatiba sa mga suspek ang tinatayang nasa 162 gramo ng hinihinalang shabu na may corresponding standard drug price (SDP) na P1,101,600, buy-bust money na isang tunay na P1,000 bill at limang P1,000 boodle money, P1,500 cash, body bag, dalawang coin purse, weighing scale, cellphone at maliit na note book.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.