IDINEKLARA ng pamahalaang lungsod ng Maynila na nasa ilalim na ng “Code White” ang anim na district hospital sa Maynila bunsod ng pagtaas muli ng bilang ng mga kaso ng COVID-19.
Ito ang paglilinaw ni Manila Mayor Francisco Domagoso at dahil dito, inabisuhan na ang mga pasyenteng may mild COVID-19 at yaong mga asymptomatic na huwag nang magpunta sa mga district hospital at bagkus ay dumiretso na lang sa mga quarantine facilities.
Ito ay upang maiwasan ang pagdagsa ng pasyente sa mga pagamutan dahil prayoridad na ma-admit ang mga severe at critical na mga pasyenteng may COVID-19.
Gayunman, sakaling may lugar naman sa kanilang bahay kung saan maaring makapag self-isolate ay mas mainam na manatili na lang sa kanilang bahay.
Sa araw na ito ng Lunes, nakapagtala ang Department of Health ng karagdagang 4,084 na mga bagong kaso ng COVID-19, 24,992 ang mga aktibong kaso, 497 ang gumaling at 16 ang namatay.

