Menor-de-edad, di bakunado, bawal sa mga mall sa Maynila

Share this information:

KASUNOD ng nakikitang paglobo ng bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa Metro Manila, inanunsiyo ng pamahalaang lungsod ng Maynila na bawal na pumasok sa mga shopping mall ang mga menor-de-edad at mga hindi pa bakunado.

Ito ang pahayag ni Manila Mayor Francisco Domagoso sa kanyang Facebook Live, kung saan inabisuhan nito ang mga manager ng mga mall na huwag papasukin ang mga hindi bakunado at mga menor de edad, at yaon ding mga walang maipapakitang vaccination card.

Katwiran nito, karamihan umano sa mga tinatamaan ng COVID-19 ay mga menor-de-edad at yaong mga hindi pa nababakunahan.

Samantala, inatasan rin ng alkalde ang Manila Barangay Bureau (MBB) at Manila Police District (MPD) na ipatupad ang curfew sa mga menor-de-edad simula 10 ng gabi hanggang 4 ng umaga. 

Kanselado na rin ang lahat ng face-to-face classes simula ngayong araw subalit magpapatuloy ang online classes. 

Ang mga empleyado naman sa Manila City Hall ay balik sa 30-percent operational capacity, maliban sa Manila Department of Social Welfare, Manila Disaster Risk Reduction Management Office, Manila Health Department at Business Permit Office. 

Nilinaw din ng alkalde na hindi pa bukas ang Manila Zoo at hihintayin pa na mabuo ang website kung saan magpaparehistro muna ang mga pupunta upang matiyak na hindi ito dadagsain ng mga tao. 

Magiging patakaran din ito pagdating sa mga pampublikong sasakyan subalit ipinaubaya na ng alkalde kay Metropolitan Manila Development Authority Chairman Benhur Abalos ang pagbibigay ng karagdagang detalye.

Umaasa naman ang alkalde  na tatalima ang mga mall manager sa kanyang direktiba para na rin sa kaligtasan ng mas nakakarami.

(May karagdagang ulat mula kay Joyce Fernan)

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Next Post

Anim na district hospital sa Maynila, "Code White" na

Mon Jan 3 , 2022
IDINEKLARA ng pamahalaang lungsod ng Maynila na nasa ilalim na ng “Code White” ang anim na district hospital sa Maynila bunsod ng pagtaas muli ng bilang ng mga kaso ng COVID-19. Ito ang paglilinaw ni Manila Mayor Francisco Domagoso at dahil dito, inabisuhan na ang mga pasyenteng may mild COVID-19 […]
%d bloggers like this: