Maynila, handa sa posibleng pagkalat ng COVID-19 na may Omicron variant

TINIYAK ng pamahalaang lungsod ng Maynila na handa ito sa posibleng pagkalat ng Omicron variant.

Sinabi ni Manila Mayor Francisco Domagoso na may mga hakbang na silang ginagawa.

Mabuti na ang maagap at alamin ninyo ang tunay na sitwasyon ng ating siyudad, at nasaan tayo ngayon, ano ang gagawin, ano ang paghahanda, at ano ang mga gamit na kakailanganin natin na naipaghanda na natin a few months ago, a few weeks ago, na maaari nating magamit in the coming days and months,” pahayag nito sa kanyang FB live.

While it is true that we are still in a situation na medyo kaya pa natin, pero ayaw ko kayo na dumating pa sa sitwasyon na naghahabol tayo lahat,” dagdag pa nito. 

Ayon sa alkalde, sapat pa ang nakaimbak na anti-COVID drugs kung saan mayroon pang 22,758 tableta ng Molnupiravir; 3,935 ng Remdesivir; 3,520 ng Baricitinib; at 732 ng Tocilizumab. 

Inaasahan din na darating bukas, Enero 4 ang karagdagang Molnupiravir na binili ng lungsod noong Disyembre.

Bukod dito, tiniyak nito na nagpauna na ng order para sa Paxlovid, na isang COVID-19 anti-viral pill upang mabawasan ang peligro ng pagkakaospital o pagkamatay ng 89 porsiyento.

Mayroon ding nakahanda na 1,374 mga tangke ng oxygen.

Ipanahayag din nito na binuksan na uli ang quarantine facility ng lungsod noong Enero 1.

Mayroon pa ding mga quarantine facility sa 12 lugar sa lungsod na may kabuuang 530-bed capacity, at mayroon ding dalawang “dormitel” na may 200-bed capacity at ang lahat ng ito ay nilinis na, dagdag ng alkalde.

Samantala, ang 344-bed Manila COVID-19 Field Hospital ay mayroon nang 307 infected returning overseas Filipinos at Filipino workers. 

Kaugnay nito, hinikayat din ng alkalde ang mga magulang na pabakunahan na ang kanilang mga anak sa muling pagbubukas ng vaccination program sa lungsod ngayong Enero 3.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.