NAKATAKDANG idaos ng Commission on Elections (Comelec) ang unang bahagi ng kanilang internet voting test run mula Setyembre 11 hanggang 13, katuwang ang kanilang technology supplier na Voatz.
Sa isang virtual briefing nitong Miyerkules, sinabi ni Comelec Spokesperson James Jimenez na ang test run ay magsisimula ng 8:00 ng umaga, oras sa Maynila, sa Setyembre 11 at magtatapos ng 8:00 ng umaga, oras sa Maynila, sa Setyembre 13.
Nabatid na ang voting list ay ipapaskil sa opisyal na Facebook page ng Office for Overseas Voting (OFOV), para ipakita ang apelyido, pangalan at middle initial ng mga kalahok.
Ayon kay Comelec Commissioner Rowena Guanzon, na siyang commissioner-in-charge para sa overseas voting, wala silang gagastusin sa naturang test run, na isasagawa kasama ang US-based firm na Voatz.
Bukod naman sa Voatz, magsasagawa rin ang Comelec ng test runs kasama ang Indra at Smartmatic ngayong Setyembre.

