Duterte, hinamon ng obispo na parusahan ang mga sangkot sa katiwalian sa DOH at PhilHealth

HINAMON ng isang obispo si Pangulong Rodrigo Duterte na parusahan ang mga sangkot sa katiwalian sa Department of Health (DOH) at sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Ayon kay Taytay, Palawan Bishop Broderick Pabillo, nakakagalit ang kanilang ginawa kasunod ng isinapublikong ulat ng Commission on Audit (COA) na may kinalaman sa “unused and misused funds” partikular ng DOH.

Binigyang-diin ng obispo na sana’y nakatulong ang naturang pondo sa mga healthcare workers na itinuturing na mga makabagong bayani ng henerasyon na magpahanggang ngayon ay hiling pa rin na matanggap ang mga ipinangakong benepisyo kapalit ng kanilang pagsasakripisyo ngayong pandemya.

Dagdag pa ng obispo na dapat ring pangalagaan ng ahensya ang kapakanan at kaligtasan, hindi lamang ng mga medical workers kundi lahat ng mamamayan. Binanggit din nito ang napapabalitang overpricing ng DOH sa mga gamit na malaki sana ang maitutulong sa mga nangangailangan ng serbisyong medikal.

Giit ni Bishop Pabillo, dapat lamang itong panagutan ng ahensya sapagkat sila ang may hawak ng pondo na dapat ay para sa ikabubuti ng mamamayan at hindi para sa pansariling interes lamang.

Nasasaad sa ulat ng COA ang mahigit sa P67.3-bilyong unused or misused COVID-19 funds ng DOH na kinabibilangan ng P11.9-bilyong halaga ng unused special risk allowance and hazard pay; P1.2-bilyong unutilized and undelivered equipment; at P2.8-bilyong idle equipment para sa infrastructure projects.

Kabilang rin dito ang P95-milyong halaga ng expired, idle drugs and medicines; P4.6-bilyong pondo para sa public health; P65.3-milyong kakulangan sa procurement of assets; at nasa P557.7-milyong excessive and unnecessary expenditures.

Bukod pa rito ang hindi nagamit na P3.4-bilyong foreign aid para sa COVID-19 response efforts ng DOH noong 2020.

Samantala, binigyang pansin din ni Bishop Pabillo ang hindi nabayarang pondo ng PhilHealth sa mga ospital sa bansa na nagkakahalaga ng P21.1-bilyon.

Ang utang na ito ng PhilHealth sa mga health facilities sa bansa ang dahilan ng pagsasara ng ilang ospital at nakaapekto rin sa mga medical workers kasabay ng pakikipaglaban ng bansa sa panibagong bugso ng mga kaso ng COVID-19 bunsod ng Delta variant.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.