SININTENSYAHAN ng dalawang habambuhay na pagkakabilanggo ang nag-viral na pulis na nakapatay sa mag-ina sa Paniqui, Tarlac nuong nakaraang taon.
Ayon kay PNP Central Luzon director Brigadier General Val de Leon, napatunayang guilty beyond reasonable doubt sa dalawang count ng murder si Jonel Nuezca nang mapatay nito ang kanyang kapitbahay na sina Sonia Gregorio at anak na si Frank Anthony.
Sa desisyon ni Judge Stella Marie Gandia-Asuncion ng Paniqui Tarlac Regional Trial Court Branch 106, maliban sa hanggang 40 taong pagkakapiit sa bawat count ng kaso, pinagbabayad din si Nuezca ng kabuuang P952,560 sa mga biktima.
Magugunitang binaril at napatay ni Nuezca ang mag-ina nuong Disyembre 20 ng nakaraang taon sa harap pa ng kanyang anak na babae matapos na magkaroon ng argumento hinggil sa boga.
Nakunan ng video ang insidente at naging viral sa social media. Ang cellphone video ng pagpatay at ang testimonya ng kumuha ng video ang naging mabigat na ebidensya sa pagpaslang sa mag-ina.

