HUMIGA sa bangketa at nangalampag ang ilang mga healthworker para igiit ang pagbibigay na ng kanilang special risk allowance (SRA) at iba pang benepisyo sa gitna ng patuloy na pagharap sa mga kaso ng COVID-19.
Hindi bababa sa sampung mga nurse at iba pang healthcare frontliners ang sumugod sa harap ng Philippine General Hospital para kalampagin ang Department of Health (DOH).
Ayon sa mga grupo ng healthworkers, marami pa rin sa kanila ang hindi nakatatangap ng SRA, hazard pay gayundin ang kanilang meal, accommodation at transportation allowances.
Maituturing din umanong maliit ang SRA na nakalaan para sa mga healthcare worker dahil aabot lamang sa P5,000 para sa 22 araw na duty. Kung hindi umano nakukumpleto ang 22 araw ay nakakaltasan pa ang risk allowance.
Inireklamo pa ng mga healthworker ang maliit na allowances para sa pagkain, transportasyon at accommodation na dapat umano ay nasa P38,000 ay nagiging P14,000 na lamang.
Sinasabing aabot sa mahigit 4,000 healthworkers ang walang nakuhang hazard pay mula nuong Disyembre 2020 hanggang nitong Hunyo.
Samantala, siniguro na ng DOH na madaragdagan pa ang mga healthworker na makatatanggap ng special risk allowance makaraang magpalabas na ng pondo para rito ang Department of Budget and Management.
Sinabi ni Health Undersecretary Leopoldo Vega na ang P311 milyong inilabas ng DBM ay naka-download na sa Centers for Health Development na ibabato na rin sa mga local government unit at pribadong health facilities sa mga susunod na araw.
Nauna nang tinataya ng DOH na aabot sa 20,208 health workers ang makikinabang sa nasabing pondo.
Pero sa ngayon ay patuloy nang nakikipag-ugnayan ang DOH sa mga LGU at pribadong ospital upang magsumite na ng kanilang requirements at nang maibigay na sa mga healthworker ang kanilang benepisyo

