LIMAMPU’T-limang lugar sa Quezon City ang nasa ilalim ngayon ng special concern lockdown dahil sa patuloy na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19.
Sakop ng lockdown ang ilang barangay ngunit nilinaw ng lokal na pamahalaan ng Quezon City na hindi sa buong mga barangay paiiralin ang paghihigpit kundi partikular na mga lugar lamang.
Ilan sa mga pinakahuling nadagdag sa listahan na isinailalim sa lockdown ay ang Zone A at Zone B sa Barangay UP Campus, isang lugar sa Pathwalk E, Kitanlad Street, Barangay Tatalon, at isang lugar sa Leland Drive, Barangay Balonbato.
Una na ring naka-lockdown ang bahagi ng Sitio Lambak, Barangay Krus na Ligas, tatlong lugar sa EDSA-Balintawak, Barangay Apolonio Samson at ilang lugar sa Barangay Central, Barangay Kaligayahan, Barangay Bahay Toro, Barangay Socorro, Barangay Alicia, Barangay Novaliches Proper, Barangay Payatas, Barangay Sta. Teresita, Barangay Bagbag, Barangay Culiat, Barangay Sta. Lucia, Barangay Dona Imelda, Barangay Tandang Sora, Barangay Ramon Magsaysay, Barangay Batasan Hills at iba pa.
Magbibigay naman umano ng mga food pack at essential kits ang LGU sa mga apektadong pamilya. Ang mga residenteng nasa special concern lockdown areas ay isasailalim din sa swab testing at mandatory 14-day quarantine.

