INIHAYAG ng Department of Health (DOH) na nasa “critical risk” classification na ang lungsod ng Navotas at bayan ng Pateros.
Kinumpirma ito ni DOH Usec. Maria Rosario Vergeire sa isang online press briefing.
Ayon kay Vergeire, mataas ang 2-week growth rate at average daily attack rate sa dalawang lugar sa Metro Manila.
Ang kanilang bed utilization ay nasa 100 percent din habang nasa 100 percent na rin ang occupancy sa ICU ng Pateros.
Binanggit din ng opisyal na siyam na lugar pa sa Metro Manila na nasa High Risk Classification ang nasa 70 percent pataas na ang Health Care Utilization Rate.
Dagdag pa ni Vergeire, ang District 2 at District 4 ay High Risk Level na tinututukan na para matugunan ang pangangailangang medikal ng mga tinamaan ng COVID-19.

