KINONTRA ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III ang suhestyon ni Manila Mayor Francisco Domagoso na alisin na ang requirement na pagsusuot ng face shield.
Ayon kay Duque, hindi pa napapanahon na bawiin ang kautusan ng pagsusuot ng face shield dahil sa mababang bilang ng mga taong nabakunahan na ng COVID-19 vaccine.
Aniya, may scientific basis ang pagsusuot ng face shield, face mask at 1 metro na distansya na nagbibigay ng 95 percent protection laban sa COVID-19.
“Okay ang mungkahi ni Mayor Isko kung malaki na vaccination coverage natin. Hindi pa pwedeng tanggalin ang face shield policy for now when our two-dose vaccination coverage is a little over 2 percent due to still inadequate vaccine supply,” ani Duque.
Nauna rito, umapela si Domagoso sa national government na alisin na ang pagrerequire sa taumbayan na magsuot ng face shield dahil tayo na lamang ang natatanging bansa na nagrerequire ng face shield bukod sa malaking kabawasan ito sa gastusin.

