PINAALALAHANAN ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga employer kaugnay sa pay rules ng kanilang manggagawa sa pagdiriwang ng Eid’l Fitr o Feast of Ramadhan bukas, May 13, na idineklara bilang isang regular holiday.
Sa pay rules, ang manggagawa na hindi papasok sa araw ng regular holiday ay dapat bayaran ng 100 porsiyento ng kanyang arawang sweldo.
Kapag pumasok naman sa araw ng regular holiday, dapat bayaran ang manggagawa ng kabuuang 200 porsiyento ng sweldo sa nasabing araw para sa unang walong oras.
Kapag nagtrabaho naman ang manggagawa ng lagpas sa walong oras o overtime, karagdagang 30 porsiyento ang ibabayad sa manggagawa base sa kanyang hourly rate.
Karagdagang 30 porsiyento ng kanyang basic wage na 200 porsiyento naman ang dapat maibigay sa isang manggagawa na nagtrabaho sa araw ng regular holiday na nataon na kanyang rest day o off day.
Ang manggagawa naman na nagtrabaho at lumagpas sa walong oras (overtime work) sa regular holiday na nataon ng kanyang rest day, siya ay dapat bayaran ng karadagang 30 porsiyento ng kanyang hourly rate sa nasabing araw.
Gayunman, dahil sa national emergency dulot ng COVID-19, ang mga establisimiyento na nagsara o natigil ang operasyon sa panahon ng community quarantine period ay “exempted” sa pagbabayad ng holiday pay bukas, May 13, 2021.
Ito ay alinsunod na rin sa abiso ng DOLE.

