Sandra Cam, anim pang akusado sa pagpatay sa Masbate mayor, pinaaresto

Pinaaresto na ng korte ang dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Director at  jueteng whistler blower na si Sandra Cam, kasama ang anim pang akusado, sa pagpaslang kay Masbate Vice Mayor Charlie Yuson III.

Kasunod ito ng pagpapalabas ng warrant of arrest ni Manila RTC Brach 42 Judge Dinnah C. Aguilar Topacio laban sa mga akusado.

Kaugnay ito sa kasong frustrated murder at murder sa pagpaslang kay Masbate Vice Mayor Charlie Yuson III at sa bigong pagpatay sa kasama ng bise alkalde na si Alberto Alforte IV noong 2019.

Sa ipinalabas na kautusan ni Topacio, kabilang din sa pinadarakip sina Marco Martin Cam, Nelson Cambaya, Junel Gomez, Bradford Solis, Juanito de Luna at Rigor Dela Cruz.

Sa kautusan ng korte, ipinaliwanag  na batay sa mga nakalap na dokumento, salaysay at mga ebidensiya ay may sapat na basehan o probable cause upang panagutin sa kasong frustrated murder at murder si Cam at ang mga kapwa akusado.

Sa kasong frustrated murder, inatasan ng hukom na magbayad ng ₱200,000 ang bawat akusado.

Pero sa kasong murder ay hindi binigyan ng pagkakataon si Cam at mga akusado na makapaghain ng piyansa para sa kanilang pansamantalang paglaya.

Una na ring inihain  sa Department of Justice (DOJ) ang kaso alinsunod sa resulta ng imbestigasyon ng NBI na nagtuturo sa kampo ni Cam bilang responsable sa krimen.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.