CAMP VICENTE LIM, CALAMBA CITY, Laguna – NASAGIP ang isang Taiwanese national sa Imus, Cavite matapos dukutin ng dalawang kapwa nito taiwanese sa Paranaque City.
Base sa report ng Cavite Police, nakilala ang biktimang si Chen Yen Shau na dinukot nitong nakaraang Martes, Disyembre 29, 2020 bandang ala-una ng hapon.
Nakilala naman ang mga kidnappers na nadakip na sina Lu Cheng at Xie Long Hui.
Ayon sa pulisya, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa Taipei Economic and Cultural Office (TECO) na humihinhgi ang mga suspek ng P9Milyon bilang ransom sa pamilya ni Shau sa Taiwan.
Nagsagawa ng operasyon ang pinagsanib na pwersa ng Cavite Provincial Police Office (CPPO) at Anti-Kidnapping Group (AKG) na mabilis namang natunton ang pinagtataguan ng mga suspek sa Barangay Tucson B sa Imus nitong araw ng Sabado.
Agad natimbog ng mga awtoridad ang mga suspek sa mismong hideout kasabay na rin sa pagkaka rescue kay Shau na dinala sa ospital para suriin ang kalagayan nito.

