Paranaque, hihiram ng pondo pangbili ng bakuna

Hihiram muli ng karagdagang P1-bilyon sa bangko ang pamahalaang lokal ng Paranaque upang mabakunahan ang lahat ng lehitimong residente ng siyudad bukod pa sa nakalaang P250-milyong pondo para ipambili ng bakuna laban sa Covid-19.

Inihayag ni Paranaque City Treasurer Anthony Pulmano na mayroon nang inilaan ang administrasyon ni Paranaque City Mayor Edwin Olivarez na P250 million pondo ngayong 2021 para upang ipangbili ng vaccine kung ito ay dumating na sa bansa at kung mayroon na rin sa merkado.

Paliwanag ni Pulmano, may halos 300,000 na residente ng lungsod ang mababakunahan ngayong taon kapag nakabili ng vaccine ang lokal na pamahalaan mula sa iba’t ibang pharmaceutical company mula sa abroad.

Ang hihiramin P1-bilyon sa Landbank of the Philippines ay para may “standby” na pondo na ilalaan sa pagbabakuna.

“Dapat wala nang maiwan. Lahat ng residente ng lungsod, mahirap man o mayaman, dapat mabakunahan hanggang sa 2022,” ani Pulmano.

Aniya, sa nakaraang limang taon, ang pamahalaang lungsod ay hindi nagkakaroon ng anumang utang mula sa anumang mga institusyon o bangko matapos na ganap na mabayaran ang utang ng nakaraang administrasyon.

Idinagdag pa niya na kahit ang Paranaque ay hindi kasama sa mga lungsod sa Metro Manila na nagpakita ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa nagdaang tatlong linggo, ang mga residente ng lungsod ay dapat pa ring protektahan mula sa anumang virus kasama na ang bagong coronavirus variant na nagmula sa United Kingdom

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.