Dumating na sa bansa ang dalawang seafarers na nakaligtas sa lumubog na Panamanian ship sa karagatang sakop ng Japan.
Pasado alas 4:20 ng hapon ng Sabado nang lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 ang eroplano ng Philippine Airline Flight Number PR427.
Lulan nito ang dalawang survivor na si Eduardo Sareno at Jay-Nel Rosales.
Sinalubong sila sa loob ng mga kinatawan ng Department of Labor and Employment (DOLE), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Department of Foreign Affairs (DFA).
Dumaan sila sa Standard Operating Procedure kung saan sila sumailalim sa swab test.
Imbes na sa arrival lumabas, pinadaan sa Departure Area ang dalawa at isinakay sa van at mabilis na umalis patungo sa isang hotel para isailalim sa quarantine.
Dumating din ang ilang tauhan ng Manning agency na sasalubong sana sa dalawa.
Si Rosales at Sareno ay dalawa sa 43 crew ng MV Gulf Livestock 1, isang cattle ship na lumubog sa karagatang sakop ng Japan noong September 2, 2020.
Matatandaan na nitong araw ng Huwebes nang dumating sa bansa ang mga labi ni Joel Canete Linao na isa rin sa crew ng nasabing barko.
Sa ngayon ay patuloy ang operasyon ng Japan Coastguard para mahanap ang 40 iba pang crew ng foreign cargo vessel.