Sinalubong ng kilos-protesta ng isang grupo ng mga guro ang pagbubukas ng klase sa bansa kung saan isinabay sa pagdiriwang ng World Teachers’ Day ngayong araw ng Lunes, Oktubre 5.
Ang ‘sunrise’ protest ay isinagawa ng mga miyembro ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) sa bahagi ng Mendiola, sa Maynila.
Kabilang sa mga ipino-protesta ay ang umanoy kapabayaan ng pamahalaang Duterte sa edukasyon at kahilingan na bigyan ng pondo ang ligtas na pagbabalik-eskwela ng mga kabataan sa bansa sa kabila ng nararanasang coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Sa pagdaraos ng protesta, may bitbit pang mga plakard ang mga guro na may nakasulat na mga katagang, “Don’t leave poor, rural children behind!”, “Duterte pabaya sa edukasyon!” at “Ligtas na balik-eskwela pondohan!”.
Tiniyak naman ng mga guro na naoobserbahan nila ang physical distancing at naghiwa-hiwalay ang mga ito habang nagsasagawa ng rally.
Nag-ingay rin ang mga guro at sabay-sabay na pinatunog ang mga busina ng kanilang mga dalang sasakyan upang tawagan ng pansin ang gobyernong Duterte hinggil sa sitwasyon ng sektor ng edukasyon.
Una nang sinabi ni ACT Philippines secretary general Raymond Basilio na ang mga pangunahing pangangailangan para sa blended learning, gaya ng printed modules, ay hindi pa natutugunan kahit nagsimula na ang klase sa bansa.
Aniya, nasayang lamang ang panahon ng paghihintay at pagkansela ng class opening noong Agosto 24 dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin nakahanda ang mga pangunahing pangangailangan nila para sa pagbubukas ng klase.