NAKABAWI ang industriya ng turismo sa Pilipinas makatapos ang pandemya nang makapagtala ng paglago ang ekonomiya ng bansa ng 6.21 milyong trabaho para sa mga Pilipino noong 2023, isang malakihan na pagtaas na malapit sa 6.3 milyong target na trabaho sa turismo para sa 2028 o halos apat na taon sa hinaharap, ayon sa inaprubahang National Tourism Development Plan (NTDP) 2023-2028 ng Department of Tourism (DOT).
Ito ay base sa Philippine Tourism Satellite Account (PTSA) na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) kamakailan.
Partikular na lumaki ng 6.4 porsiyento ang trabaho sa mga industriyang may kinalaman sa turismo, mula 5.84 milyon noong 2022 hanggang 6.21 milyon noong 2023. Umabot naman sa 12.9 porsiyento ang percentage share ng employment sa tourism industries sa kabuuang bilang ng mga trabaho sa bansa noong nakaraang taon.
At batay sa ulat, nakapagtala din ng pinakamataas na paglago ang turismo bilang isang industriya na may 8.6 porsiyentong bahagi ng gross domestic product (GDP) ng bansa.
Ang Tourism Direct Gross Value Added (TDGVA) na nagkakahalaga ng P2.09 trilyon noong 2023 ang sinasabing pinakamataas mula nang simulan ng PSA ang pag-compile ng datos noong 2000.
Ang numero ay mas mataas ng 47.9 porsiyento kumpara sa P1.41 trilyon TDGVA noong 2022 nang magtala ito ng 6.4 porsiyentong kontribusyon sa GDP.
Ang TDGVA ay tumutukoy sa kabuuang halaga na idinagdag ng mga industriya ng turismo at iba pang industriya ng ekonomiya na direktang nagsisilbi sa mga bumibisita sa bansa.
Ayon naman kay DOT Secretary Christina Garcia Frasco, ang paglago ng turismo ay isang patunay sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bigyang-prayoridad ang sektor ng turismo at ang mga pinagsama-samang pagsisikap ng DOT at iba pang ahensya ng gobyerno at pribadong sektor, kung saan ang transformative agenda para sa turismo ay nagtala ng upward trajectory na ang mga benepisyo ay nararamdaman ng milyun-milyong Pilipino.
Samantala, base sa PTSA report, tumaas din ang domestic tourism expenditure ng 72.3 porsiyento mula P1.55 trilyon noong 2022 hanggang P2.67 trilyon noong 2023.
Samantala, ang outbound tourism expenditure ay nagtala ng 10-percent growth rate mula P189.29 bilyon noong 2022 hanggang P208.25 bilyon noong 2023.
Ang internal tourism na binubuo ng inbound at domestic tourism expenditure ay lumago ng 75.3 porsiyento mula P1.92 trilyon noong 2022 hanggang P3.36 trilyon noong 2023.

