NANGAKO si suspended Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr. sa gagawing pagdinig ng Senado kaugnay sa pagpatay kay Governor Roel Degamo.
Kinumpirma ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa, chairman ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, na dadalo si Teves sa pagdinig virtually.
“He has made his commitment through his secretary, communicating with my committee secretariat that he is going to attend virtually during the hearing,” ani Dela Rosa.
Nauna nang sinabi ng Department of Justice na si Teves ay itinuring na isa sa mga utak sa pagpaslang kay Degamo at walong iba pa. Sinabi ng mambabatas na siya at ang kanyang angkan ay walang kinalaman sa krimen.
“Siguro gagamitin niya itong avenue para yung side niya rin marinig ng publiko. And that is a good sign, if he wants to attend our probe,” dagdag ng senador.
At kung sakaling gamitin ito ni Teves para mag-grandstanding, sinabi ni Dela Rosa na obligasyon niya na kontrolin at tiyakin na magiging maayos ang daloy ng pagdinig.
Inamin naman ng senador na wala siyang balak na ipa-contempt si Teves dahil siya ay isang kasalukuyang kinatawan ng Kongreso at nararapat lamang na mabigyan ng inter-parliamentary courtesy.
Itinakda ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs sa Lunes, Abril 17, ang pagdinig ukol sa pagpaslang kay Degamo.
2023-04-14

