Hiniling ni 1PACMAN Partylist Rep. Eric Pineda ang pagpapatupad ng fare hike o taas pasahe sa mga pampublikong sasakyan.
Bagamat aminado si Pineda na “unpopular call” ang kanyang ginawa ay ito lamang din ang isa sa mga nakikita niyang paraan upang matulungan ang mga PUV drivers na makabangon matapos ang ilang buwan na walang hanapbuhay dahil sa ipinatupad na community quarantine.
Naniniwala ang kongresista na kailangang makagawa ng paraan para mabawi ang mga panahon na wala silang kita.
Iginiit ng kongresista na hindi naman pwedeng dagdagan pa ang mga pasahero habang babawasan ang physical distancing gayundin ay hindi rin ‘feasible’ ang mga ayuda dahil sa kakulangan sa budget ng pamahalaan.
Pinayuhan ni Pineda ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na aralin ang pansamantalang pagtataas ng pamasahe at ibalanse ang hakbang na ito sa survival ng mga drivers at sa kita at gastos ng mga commuters.
Paglilinaw pa ng mambabatas, hindi naman kailangan na doblehin ang pamasahe bagkus ay magkaroon lamang ng risonableng dagdag para dito.