Iniimbestigahan ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang halos kalahati ng 62 rehistradong Philippine Offshore Gaming Operators o POGO sa buong bansa.
Sa budget hearing sa senado, sinabi ni AMLC Executive Director Mel Georgie Racela na kumakalap sila ng impormasyon ukol sa nagmamay-ari ng 26 na POGO dahil natunton na iisa lang ang ginagamit nilang address ng service provider.
Dapat aniya, ang bawat lisensyadong POGO, dapat ay may service provider o kumpanya o korporasyon na nakarehistro sa gobyerno para may kita mula sa kanila ang bansa kahit na sa ibang bansa ang kanilang operasyon.
Samantala, sa pagtatanong ni senate minority leader Franklin Drilon, sinabi ni Racela na masasabing maliit lang ang pakinabang ng bansa mula sa POGO.
Ang halaga raw ng inflow at outflow o lumalabas pasok na pera sa POGO at kanilang service provider ay P52 bilyon at P17 bilyon ang total netflow o napagkukunan ng kita ng gobyerno.
Sa pagdinig ng senado, sinita ni Senator Imee Marcos ang aniyay mga kakulangan ng AMLC kung saan kabilang ang Cyberheist o pagnanakaw ng Nigerian hackers ng P167 milyon sa isang bangko na hindi pa natutunton ng AMLC.
Hindi rin daw naharang ang $210 milyon na ipinasok sa bansa ng mga online casino operators.
Pero sagot ni Racela, kailangan pa nilang makakuha ng court order para matunton ang nakuha ng Nigerian syndicate habang hinihintay naman daw nilang magsampa ang Bureau of Customs ng smuggling cases laban sa casino operator na nagpasok ng malalaking halaga ng pera.
Ang AMLC ay pinabibigyan ng Malakanyang ng P85 milyon na budget sa 2021.
Natapyasan ang kanilang budget kumpara ngayong taon na P130 milyon.
Dahil dito, hindi muna matutuloy ang plano nilang artificial intelligence sa pagsusuri ng mga hinihinalang ilegal na financial transactions.