TINANGGAL bilang Deputy Speaker si 1-Pacman partylist Rep. Mikee Romero at pinalitan siya ni Capiz Rep. Fredenil Castro.
Si Romero ay kilalang kaalyado ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco habang si Castro ay taga-suporta ni Cayetano.
Itinuturing naman nina PBA partylist Rep. Jericho Nograles at AAMBIS OWA partylist Rep. Sharon Garin na insulto sa partylist coalition at sa lahat ng kanilang pinaghirapan ang ginawang pag-alis kay Romero.
Giit ni Garin, malaki rin ang ipinaglaban at kontribusyon ng partylist coalition para palakasin at bigyan ng integridad ang Kongreso.
Si Romero ang President ng Partylist Coalition Foundation Inc (PCFI) na may 52 miyembro sa Kamara.
Bago ito, hinamon ni Castro ang mga taga-suporta ni Velasco na may hawak na posisyon sa Kamara na bumaba sa puwesto.
Sa kanyang privilege speech kanina sa gitna ng plenary deliberations ng panukalang 2021 national budget, binuweltahan ni Castro ang mga puna ng kampo ni Velasco patungkol sa hindi pagrespeto ni Cayetano sa term sharing agreement na nabuo kasama si Pangulong Rodrigo Duterte.
Giit ni Castro, dapat na gawin na rin ng kampo ni Velasco ang patutsada ng mga ito kay Cayetano hinggil sa pagkakaroon nang palabra de honor at magkusa nang lisanin ang hawak na pwesto at ibigay sa mas karapat-dapat na handang tumulong sa Mababang Kapulungan.
Hindi na aniya kailangan na magkunwari ang mga ito habang pinagtataksilan ang mga kasamahan sa Kongreso at dinidiskaril ang Kapulungan.
Ilan sa mga nakapuwesto sa mga komite sa Kamara ay sinasabing kaalyado at tagasuporta ni Velasco na ayon kay Cayetano ay nilayon nitong mapagkaisa sa Kapulungan sa kabila na magkakaibang partido.
Sinabi pa ni Castro na kahit araw-arawin ni Cayetano ang pagbibitiw sa posisyon ay araw-araw din siyang ibabalik ng nakararaming kongresista.
Samantala, dismayado naman si PBA partylist Rep. Jericho Nograles na matapos ang nasayang na isang araw kahapon na walang budget deliberation at muling ipinagpatuloy ngayon, mayruon na namang nagprivilege speech sa isyu ng House Speakership na nagpa-antala sa proseso.
Dapat aniya sana ay naglabas na lang ng sentimyento sa Facebook o social media ang mga mambabatas dahil naabuso na ngayon ang privilege hour sa Kapulungan.