Dapat muna umanong makakuha ng “required authorization” mula sa Food and Drug Administration (FDA) para payagan muli na makabalik sa merkado ang popular na Reno liver spread sa bansa.
Ito ay matapos i-anunsyo ng FDA sa kanilang advisory bulletin para abisuhan ang publiko na kinakailangan muna umanong makakuha ng kaukulang Certificate of Product Registration o CPR ang Reno brand liver spread gayundin ang iba pang produkto.
Nitong araw ng Miyerkules lamang ng ipag utos ng FDA ang pagbawi sa lahat ng Reno brand at ipahinto sa mga tindahan sa buong bansa dahil napag-alamang hindi rehistrado ang mga ito.
Iginiit ng FDA na walang katiyakan kung ligtas ikonsumo ng tao ang nabanggit na brand dahil nga sa kawalan ng rehistrasyon sa kanilang ahensya.
“Thus, the FDA has a responsibility to inform the public, through an advisory, that RENO Brand Liver Spread is NOT REGISTERED as of this date as a processed food product and must secure the required authorization from this Office,” saad ng FDA sa kanilang advisory bulletin.
Una ng nabunyag ng mga inspectors ng ahensya ang kawalan ng CPR ng Reno brand matapos ang masinsinang pananaliksik na isinagawa ng kanilang database.
“Kailangan po kasi makita natin kung paano natin mati-trace ang produkto kung magkaproblema, saan po iyon mga batch number for the safety lang po ng mga mamimili,” pahayag ni FDA Director Eric Domingo sa panayam ng Teleradyo.
Ang Reno brand liver spread ay gawang Pinoy at taong 1958 ng simulang ibenta ito sa merkado.