PUSPUSAN na ang ginagawang paghahanda Department of Health (DOH) bilang panlaban sa maaaring mga epekto o sakit na maidudulot ng El Niño sa iba’t-ibang panig ng bansa.
Ayon sa ahensiya, nagsagawa na ito kamakailan ng isang “El Niño Summit” kung saan nagpulong ang mga Medical Center Chiefs, Chiefs of Hospitals, Regional Directors at Assistant Regional Directors, Central Office Bureau Directors at mga miyembro ng Executive Committee.
Layon ng pulong ng mga opisyal ng DOH na maging angkop ang kani-kanilang mga gagawing istratehiya at plano sa pambansa at lokal na mga lugar upang mabawasan ang negatibong epekto ng tagtuyot.
Ipinakita naman ng Department of Science and Technology – Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (DOST – PAGASA) ang kasakuluyang lagay ng El Niño gamit ang 2024 Heat Map.
Tinalakay rin ng mga eksperto ang mga sakit na maaaring idulot ng matinding init at mga magiging senaryo kapag nagkaroon ng kakapusan sa tubig, enerhiya, pagkain at pagkalat ng mga sakit na maaaring kaharapin ng mga pagamutan.
Ang El Niño at ang kabaligtaran na La Niña ay mga paulit-ulit na “climate pattern” na tinatawag ng mga siyentipiko na El Niño-Southern Oscillation (ENSO). Sa kanilang pagtataya, patuloy na lumalala ang ENSO at umakyat ng 10 porsiyento mula noong 1960 dahil sa naobserbahan na pagtaas ng antas ng “greenhouse gas” sa kapaligiran.

