Breaking News

Share this information:

HINIMOK ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) ang mga botante na deactivated na ang voters registration na muling magpatala sa Commission on Elections (Comelec).

Partikular na hinikayat ng PPCRV  ang mga hindi nakaboto sa dalawang magkasunod na halalan, lumipat ng tirahan, nagpalit na ng pangalan o mga Overseas Filipino Workers (OFW) na bumalik na ng bansa.

Ayon kay PPCRV Executive Director Maria Isabel Buenaobra may pitong milyong botante ang dineactivate o inalis ng Comelec sa listahan ng mga botante sa bansa.

Napakahalaga aniya ang partisipasyon ng bawat Filipino sa nakatakdang halalan sa susunod na taong 2022 National and Local Election kung saan kabilang sa mga dapat ihalal ay ang magiging bagong pangulo at pangalawang pangulo ng bansa na magsisilbi sa loob ng susunod na anim na taon.

Ibinahagi rin  ni  Buenaobra ang pakikipag-ugnayan at pakikipagtulungan ng PPCRV sa iba’t ibang diyosesis sa bansa upang maging katuwang sa pananawagan at kampanya na himukin ang mga kabataan, mga umuwing OFW at mga na-deactivate na mga botante upang muling magpatala sa kasalukuyang voters’ registration ng Comelec.

Paliwanag ni Buenaobra, mahalagang makibahagi ang bawat mamamayan sa nakatakdang halalan na kabilang sa karapatan at tungkulin ng bawat isa sa isang demokratikong bansa.

Tiwala naman ang PPCRV na maaabot ng Comelec ang target nitong magkapagpatala ng 60 milyon o higit pang mga rehistradong botante na maaaring makibahagi sa nakatakdang halalan sa 2022.

Ibinahagi ng kumisyon na umaabot na sa 59-na milyon ang bilang ng mga rehistradong botante sa bansa.

Batay sa opisyal na tala ng Comelec noong 2019 elections , may 61.8-milyon ang bilang ng mga botante sa bansa ngunit kinailangang i-deactivate ng kumisyon ang mahigit sa pitong milyong botante dahil na rin sa pagkabigo na bomoto sa dalawang magkasunod na halalan. 

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: