Ping Remulla, inihalal bilang bagong congressman ng 7th District ng Cavite

MAY bago nang kinatawan ang ika-7 distrito ng Cavite matapos iproklama ngayong umaga si Crispin Diego “Ping” Remulla bilang bagong Congressman ng nasabing distrito sa isinagawang Special Election nitong Pebrero 25, 2023.

Ang 7th District ay binubuo ng Amadeo, Indang, Tanza at Trece Martires City, Cavite.

Iprinoklama si Remulla sa Cavite Provincial Capitol ni Atty. Mitzele Morales-Castro, Provincial Election Supervisor ng Cavite.

Nakakuha ng kabuuang bilang na 98,474 boto si Remulla, ang pinakamataas na bilang ng boto laban sa kanyang mga katunggali.

Idinaos ang special election upang punan ang posisyon na iniwan ni dating Congressman at ngayo’y Justice Secretary Crispin “Boying” Remulla matapos itong italaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa nasabing posisyon.

Si Remulla ay nahaharap sa disqualification case matapos na magsampa ng reklamo ang kanyang naging katunggali na si dating Trece Martires City Mayor Melencio “Jun” De Sagun noong Pebrero 23, 2023 sa tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) sa Intramuros, Maynila sa kasong vote buying at vote selling na ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia ay tatalakayin kung may merito ang isinampang kaso.

Nabatid na 42.11 percent lamang o 149,581 sa kabuuang bilang ng mga botante ang bumoto sa nasabing special election mula sa kabuuang 355,164 na rehistradong botante.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.