PERWISYONG malinaw ang kinasasadlakan ng mga residente ng Sitio Kamaliw, Barangay Binukawan sa bayan ng Bagac, lalawigan ng Bataan kung saan matatagpuan ang Empress Poultry Farm na siyang itinuturong dahilan kung bakit marami na ang nagkakasakit at maging ang kaisa-isang sapang dati-rati’y dinadaluyan ng dalisay na tubig, nalason na din.
Sa dalawang pahinang liham ng mga residente ng Sitio Kamaliw, hiling nila ang agaran at permanenteng pagpapasara ng dambuhalang poultry farm na umano’y pag-aari ng kaibigan ng alkalde ng nasabing lokalidad.
Ang kanilang reklamo – pesteng langaw mula sa Empress Poultry Farm na halos kulambuan ang buong Sitio Kamaliw.
Anila, bukod sa naglipanang langaw, maging ang sapang dati-rati’y anim na metro ang lawak, mistulang kanal na lamang ngayon dala marahil ng pagtatapon ng dumi ng libo-libong manok na kanilang pinalalaki at kinakatay sa takdang panahon.
Naipasara na ang poultry farm noong taong 2018 ng Department of Environment and Natural Resources makaraang makitaan ng sandamakmak na paglabag sa mga umiiral na batas patungkol sa Clean Water Act, National Zonal Code, National Sanitation Code, kakulangan ng mga permiso sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan, at iba pang umiiral na reglamento sakop ng kalusugan.
Pero hindi maiwasang isipin ng ilang residente na ang mga bulilyaso ng Empress Poultry Farm ay kayang-kayang remedyuhan ni Mayor Ramil del Rosario lalo pa’t walang pagsidlan ang yaman ng negosyante sa likod ng Empress Poultry Farm — maliban sa paglabag nito sa Zonal Code na nagtatakda ng 1,000 metrong layo ng mga kahalintulad na pasilidad sa mga kabahayan.
Sa kung anong pamamaraan mayroon ang may-ari ng nasabing poultry farm, nakuha nitong muling makapag-operate matapos lamang ang ilang buwan ng pagpapahupa ng galit ng mga residente ng nasabing barangay.
Kaya naman ngayon, muling nagdurusa ang hindi bababa sa 2,000 residente ng nasabing barangay.
Batay sa nakalap na dokumento, tumangging dinggin ng lokal na pamahalaan ang kanilang hinaing. Bakit nga naman nila nanaising dinggin ang reklamo laban sa isang negosyanteng lubos na nagpapayaman sa kanilang mga bulsa?
Hindi nakapagtatakang magkaroon ng isang world-class na resort ang isang mataas na opisyal ng bayan.. Mantakin mong isang hotel resort ang naipundar niya, galing ba iyan sa may-ari ng Empress Poultry Farm kapalit ng pagbubulag-bulagan sa perwisyong kalbaryo ngayon ng mga botanteng nag-upo sa kanya sa puwesto?
Katwiran naman ng LGU, wala lagda ang Kapitan ng Barangay Binukawan kaya hindi maaksyunan ang reklamo. Isa ba siya sa mga benepisaryo ng nakakalulang biyaya mula sa perwisyong farm?
Ang sinasabi ay mayruon nang rekomendasyon ang Community Environment and Natural Resources Office na pabor sa permanent closure ng naturang poultry farm. Bakit namamayagpag pa rin ang operasyon niyan?
Panawagan ng mga residennte kina Environment Secretary Roy Cimatu at Undersecretary Benny Antiporda – isang aksyong ipinagkait sa kanila ng mga nanunungkulan sa kanilang bayan.

